Maliit Pero Sapat
Sa panahon ngayon, parang mas napapansin ang mga taong may malaking following, maraming subscribers, o milyon-milyong views sa social media. Madalas nating isipin na para magkaroon ng impact sa buhay ng iba, kailangan sikat, mayaman, o may malaking platform ka. And that's when you can start feeling discouraged when you think you don't have anything as big to offer as they do. Nakaka-relate ka ba?
Pero… sa mata ng Panginoon, hindi pala kailangan na malaki ang meron ka para makatulong sa iba. Naalala ko tuloy ang kwento ng mga taong pumunta kay Jesus para makinig sa Kanya. Habang tumatagal, nagutom ang napakaraming tao na naroon. Dahil nasa malayong lugar sila, sinabi ng mga alagad ni Jesus na baka kailangan nang pauwiin ang mga tao upang makahanap sila ng makakain. (Makikita ito sa John 6.)
Pero iba pala ang nasa isip ni Jesus. Sinabi Niya sa mga alagad, “Kayo ang magpakain sa kanila.”
Nagulat ang mga alagad. Siyempre ba naman, libu-libong tao ang naroon! Paano nila mapapakain ang ganoon karaming tao? Ano ba itong ipinapagawa ni Jesus?
“Naku, Lord, napakarami nila! Kulang na kulang ang dala nating pagkain.”
Kaya pinatingnan ni Jesus sa Kanyang mga alagad kung ano ang pagkain na mayroon sila. Pagbalik nila, may kasama silang isang batang may limang piraso ng tinapay at dalawang isda.
Kinuha ni Jesus ang mga ito, nagpasalamat sa Ama sa langit, at ipinamahagi sa Kanyang mga alagad upang maibigay naman sa mga tao.
At alam mo ba? Nabusog ang lahat ng tao, at may natira pang labindalawang basket na pagkain!
Friend, ang laki ng himalang ito. At kaya pa rin itong gawin ni Jesus sa buhay mo ngayon. May kailangan ka ba sa Kanya? Hingin mo ito sa Kanya. At kung ano man ang "5 smooth stones" (1 Samuel 17:40) o "5 pirasong tinapay" na nasa kamay mo ngayon, i-alay mo ito sa Kanya. Kayang gamitin ni Lord kahit ang maliliit na bagay para magawa ang Kanyang mga layunin.
Tandaan mo, isa kang miracle!