Self-care Is Not Selfish
Napapansin mo rin ba na parang nauuso ngayon ang self-care? Kung iisipin, noong bata pa tayo, parang wala namang masyadong nag-uusap tungkol dito. Siguro dahil mas naging abala ang buhay ngayon. Dahil sa 24/7 na access sa phones at internet, parang mas nahirapan tayong lahat na humanap ng oras para magpahinga at alagaan ang ating sarili. Kaya ngayon, ang self-care ay hindi na lang isang luho kundi isa na ring responsibilidad.
Una naming narinig ang tungkol sa self-care noong nag-foster kami ng dalawang batang galing sa orphanage. Malalaki na sila nang dumating sa pamilya namin. And from having three boys who were with us since babyhood, biglang naging lima ang anak namin. At dahil malalaki na ang dalawang batang ito nang dumating sila sa pamilya namin, dala nila ang sarili nilang mga nakasanayan at paraan ng pag-iisip.
Sa panahong iyon, kulang din ang training naming mag-asawa. Madalas kaming pagod, and we struggled big-time. Doon kami tinuruan ng aming mentor na kailangan daw naming maging intentional about finding time for self-care. Pero dahil sanay kaming ibigay ang lahat para sa iba, parang kakaiba at medyo nakakatakot pakinggan ang ideyang iyon. Ipinaunawa ng mentor namin na bahagi pala ito ng responsibilidad natin. Kapag inaalagaan natin ang ating sarili, mas nagiging handa tayong magmahal at maglingkod sa iba.
May kwento rin sa Bible tungkol kay Elijah, isang lingkod ng Diyos na maraming ginawa para sa Kanya. Pero dumating ang panahon na labis siyang nanghina at nawalan ng pag-asa. At alam mo ba kung ano ang ginawa ni Lord? Pinakain Niya si Elijah, pinatulog, at pinagpahinga (1 Kings 19:5–18). Kahit si Lord, alam Niya ang mga pangangailangan natin bilang tao.
Ikaw ba, kailangan mo din bang alagaan ang iyong sarili? You can ask God’s help for that.
Tandaan mo, isa kang miracle!