Pagod Ka Na Ba?
Kung makikita mo ang bigat na dala mo ngayon, kakayanin mo pa ba itong buhatin?
May isang kwentong binabasa ang mga anak namin. Tungkol ito sa isang taong may dalang napakalaking bagahe sa kanyang likod. Kailangan niyang maglakbay nang malayo para makarating sa lugar kung saan maaari na niyang ibaba ang kanyang pasan.
Naalala ko, noong high school ako, may nakita rin akong picture book tungkol sa parehong kwento. Sobrang laki ng dala ng tao, parang maliit na bundok na nakapatong sa likod niya. Habang tinitingnan ko ang mga larawan, kitang-kita kung gaano siya nahihirapan sa bawat hakbang.
At naisip ko, minsan, hindi ba’t parang tayo rin iyon? Parang lagi tayong weighed down and weary? Deadlines. Responsibilities. Family concerns. Financial pressures.
Kahit sumusunod tayo kay Jesus, may mga pagkakataong parang isang hakbang na lang, bibigay na tayo sa bigat ng lahat.
Pero sa mga ganitong sandali, may invitation si Jesus:
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. (Mateo 11:28 ASD)
Pero bakit minsan, ramdam pa rin natin ang bigat? Tingnan natin ang kasunod na sinabi ni Jesus:
“Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay maamo at may mababang-loob. Makakapagpahinga kayo, dahil madaling sundin ang mga utos ko at magaan ang ipinapagawa ko (Mateo 11:29-30 ASD).”
Baka inaanyayahan tayo ni Jesus na ipagkatiwala sa Kanya ang ating mga bigat at unahin ang mga gusto Niyang gawin natin. Kapag pinipili nating unahin ang mga gusto Niya para sa buhay natin, doon natin mas nararanasan ang tunay na pahingang galing sa Kanya.
Ano ang bigat na kailangan mong bitawan at ipagkatiwala kay Jesus upang maranasan ang tunay Niyang pahinga?
Let’s pray this:
“Lord, napakabigat minsan ng buhay, pero gusto kong piliin at unahin ang mga gusto Mong gawin sa buhay ko. Turuan Mo akong sundin ang mga utos Mo at matuto sa Iyo. Ikaw ang makapagbibigay sa akin ng tunay na pahinga. In Jesus’ name, Amen.”
Tandaan mo, isa kang miracle!